P5.5-M HALAGA NG CROPS, NASIRA SA PAGBAHA SA CAUAYAN CITY

Umaabot sa halagang mahigit P5.5 million pesos ang naitalang pinsala sa sektor ng agrikultura sa Lungsod ng Cauayan matapos ang pagbayo ng Typhoon Paeng sa malaking bahagi ng bansa nitong Linggo.

Sa ating panayam kay Engr. Ricardo Alonzo, City Agriculture Officer ng Lungsod ng Cauayan, dahil sa tuloy-tuloy na pag-ulan dulot ng nasabing bagyo ay muling naabot ng tubig-baha ang ilan sa mga taniman ng palay, mais, gulay at prutas sa Siyudad.

Sa punlaan o seed bed ng palay, umaabot sa 90 hectares ang nasira habang nasa 450 hectares naman ang totally damaged sa mais na naitala sa East at West Tabacal region.

Nasa 150 hectares naman ang partially damaged sa mga pananim na mais na ilang araw pa lamang tumubo.

Sa hanay naman ng mga gulay at prutas na mayroong bunga, mayroong 30 hectares ang totally damaged habang 15 hectares naman ang bahagyang nasira.

Naitala ang mga ito sa mga gulayan ng barangay Duminit, Gagabutan, Guayabal at Cassapfuera.

Kaugnay nito, sinabi ni Engr. Alonzo na ginagawan na ito ng paraan ng City Agriculture Office at LGU sa pamumuno ni Mayor Jaycee Dy Jr. para sa pagbibigay ng agarang tulong sa mga magsasakang naapektuhan ng bagyong Paeng.

Hintayin lang din aniya ang mga posibleng tulong na ibibigay ng Department of Agriculture (DA) mula sa Central at Regional Office.

Bukod dito ay magpapatuloy pa rin ang pamimigay ng City Agriculture ng mga vegetable seeds at seedlings sa mga nasiraan ng pananim na gulay para kahit papaano ay makabawi sila sa pagkalugi sa mga nasalantang pananim.

Nakalista na rin aniya ang pangalan ng mga apektadong magsasaka at vegetable growers para kung sakaling mayroon ng available na ayuda mula sa DA ay sila ang prayoridad na tutulungan.

Samantala, inihayag ni Engr. Alonzo na hindi pa pasok sa Philippine Crop Insurance Corporation (PCIC) ang mga nasirang agricultural products dahil karamihan sa mga nasira ay paumpisa o tumutubo palang habang ang iba naman ay hindi pa nakaseguro.

Facebook Comments