Pag-aaral sa pagpapalawig o hindi na ng umiiral na State of Public Health Emergency sa bansa, ipinag-utos ni Pangulong Marcos

Pinag-aaralan na ngayon ng pamahalaan ang posibilidad na palawigin pa o hindi na ang umiiral na State of Calamity o State of Public Health Emergency sa bansa dahil sa COVID-19 pandemic.

Kasunod na rin ito ng kautusan sa Department of Health (DOH) ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na pag-aralan kung ipagpapatuloy pa o hindi na ang umiiral na State of Calamity.

Nabatid na mapapaso na ngayong Setyembre ang State of Public Health Emergency na idineklara ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.


Ayon kay DOH Officer-in-Charge Undersecretary Maria Rosario Vergeire, ilan sa mga tinitignan nila ngayon ang kasiguraduhan na ma-manage ang kaso ng COVID-19, magkaroon ng wall of immunity ang publiko laban sa virus at ilan pang maaaring kaharaping problema kung aalisin na ang State of Public Health Emergency.

Bunsod nito, nakikipag-ugnayan na aniya ang Food and Drug Administration sa mga COVID vaccine manufacturers para ihanda ang aplikasyon ng Certificate of Product Registration (CPR), na kinakailangan para sa commercial use ng bakuna.

Ang hakbang na ito ay bilang paghahanda sakaling hindi na palawigin pa ang State of Calamity.

Paliwanag ni Vergeire, kapag inalis na ang State of Calamity ay otomatikong hindi na libre ang COVID-19 vaccine.

Kaya naman, puspusan ang DOH na mapataas ang bilang mga fully vaccinated at nabigyan nang booster shot bago ang Setyembre.

Facebook Comments