Pinapabawi ni Senate Minority Leader Koko Pimentel ang ginawang pag-apruba ng Kongreso sa kontrobersyal na Maharlika Investment Fund (MIF) Bill.
Ayon kay Pimentel, ang tanging paraan para maisaayos ng Kongreso ang mga pagkakamali sa minadaling MIF Bill ay i-recall o bawiin ang ginawang pagpasa rito at ibalik sa plenaryo para doon irekonsidera ang mga pagtutuwid na dapat gawin.
Sinabi ng opposition senator na kailangan ng pagpayag o pag-endorso ng Kongreso para maiwasto ang panukala.
Aniya, ang mga pagkakaiba at kalabuan na nakita sa inaprubahang MIF ay hindi maiwawasto nang walang panganib na mauwi ito sa ‘falsification’ ng legislative documents.
Matatandaang naunang sinabi rito ni Majority Leader Joel Villanueva na dahil hindi pa enrolled bill ang MIF Bill ay idadaan muna ito sa ‘perfecting amendments’ na gagawin ng Secretary General ng Senado at Kamara na kinontra naman ni Pimentel sabay giit na ang gagawing pagbabago sa panukalang dumaan na sa final approval ay isang krimen.
Punto pa ni Pimentel, ang tanging paraan para maituwid ang MIF Bill ay bawiin ang pag-apruba rito at ibalik sa plenaryo para doon isagawa ang pagsasaayos sa panukala.
Dagdag pa ng senador, walang shortcut sa proseso na ito at mahalagang gawin ang kinakailangang hakbang sa pagtatama ng panukala at upang mailigtas din ang pangulo mula sa paglagda sa maling panukala.