Pag-imprenta ng balota ng COMELEC para sa Barangay at SK Elections, tuloy kahit may plano nang ipagpaliban ito

188

Mag-iimprenta na ng balota ang Commission on Elections (COMELEC) sa susunod na linggo.

Sa Laging Handa public press briefing, sinabi ni COMELEC acting Spokesperson Atty. John Rex Laudiangco na tuloy lamang ang ginagawa nila batay sa kalendaryo ng paghahanda nila para sa Barangay at Sangguniang Kabataang Elections.

Ito aniya ay kahit pa naipasa na ang pagpapaliban ng eleksyon sa panig ng Kamara.


Paliwanag ni Laudiangco, kaya nilang tapusin sa loob ng 30 araw ang pag-imprenta ng 91.2 milyong balota dahil isang milyong balota kada araw ang kanilang output.

Kung isasama aniya ang pag-imprenta ng verification, accountable forms at election returns ay kakayanin itong matapos maimprenta sa loob ng 45 araw.

Maging ang pamimili aniya ng mga gagamiting materyales para sa eleksyon ay naka-kalendaryo na tulad ng indelible ink, ballpen, folders at iba pa at lahat ng ito ay matatapos aniya lahat sa Oktubre ng taong ito.



Ito aniya ay para kung sakaling hindi matuloy ang pagpapakansela ng Barangay at SK Elections ay handang-handa ang COMELEC na gampanan ang kanilang tungkulin pagsapit ng December 5 ng kasalukuyang taon.

Facebook Comments