
Ipina-subpoena na ng Senate Impeachment Court ang dalawang testigo ng defense team na pinahaharap sa impeachment trial sa susunod na linggo.
Ayon kay Impeachment Court Spokesperson Atty. Reginald Tongol, nilagdaan ni presiding officer Chiz Escudero ang subpoena para kina BOC-Assessment and Operations Coordinating Group [AOCG] Deputy Commissioner Atty. Agaton Teodoro Uvero at si Dr. Lourdes Tingson Lebosada na iniulat na dentista at dating kasosyo umano ni Atty. Mans Carpio sa Cale88.
Personal na natanggap ni Uvero ang subpoena habang ipinadala naman kay Lebosada sa Davao City via electronic mail ang naturang subpoena.
Pinadadalo ang dalawang testigo sa mga pagdinig ng impeachment court sa December 1, 2, 3 at 4 sa ganap na alas dyes ng umaga.
Inatasan ang mga ito na magsumite ng tatlong certified true copies at kumpletong electronic copies na ilalagay sa tatlong USB flash drives.
Ang dalawang testigo ng depensa ay pahaharapin sa paglilitis para hingan ng mga testimonya ukol sa exportation records, business registration, ownership, operations, financial affairs at organizational structure ng Cale88 Food’s Corporation.










