
Hiniling ni Senator JV Ejercito ang unti-unting pag-phase out o pagtigil sa Medical Assistance to Indigent and Financially Incapacitated Patients o MAIFIP.
Aminado si Ejercito na tutol siya sa panukala ng ilang kapwa senador na gawing permanenteng batas ang MAIFIP, na nagbibigay ng medical assistance sa mga mahihirap at walang kakayahang makapagbayad ng gastusin sa ospital kapag sagad na ang benepisyo ng PhilHealth o ng health maintenance organization o HMO.
Para kay Ejercito, kung may sapat namang pondo ang pamahalaan, mas mainam aniya na ilaan na lamang ito nang direkta sa mga ospital na nagpapatupad ng zero balance billing, gayundin sa PhilHealth.
Layunin nito na mapalawak pa ang subsidiya o masagot ang mas malaking bahagi ng bayarin ng mga pasyente sa mga pampubliko at pribadong ospital.
Binigyang-diin ng senador na ito ang diwa ng Universal Health Care Program, kung saan direktang inilalagak sa PhilHealth ang bahagi ng kita mula sa PAGCOR at PCSO, upang hindi na mapilitang pumila ang mga pasyente para humingi ng medical assistance.










