Cauayan City, Isabela- Sinalakay ng pinagsanib na pwersa ng PNP Naguilian, Isabela Police Provincial Office at BIR ang isang warehouse na pagawaan ng pekeng kilalang brand ng sigarilyo sa Brgy. Palattao, Naguilian, Isabela.
Una nang dinakip ang isang Korean National na kinilalang si Xlu Zou Wu, 42-anyos at residente ng Brgy. Batal, Santiago City at drayber ng truck na si Roger Aparilla, 40-anyos at tubong Brgy. Gingoog, Misamis Oriental
Ayon kay PMAJ Gary Macadangdang, hepe ng PNP Naguilian, bumungad sa kanila ang ricemill warehouse subalit ng kanilang pasukin ito ay tumambad ang maraming bilang ng makina na gamit sa paggawa ng pekeng sigarilyo.
Una na silang nakatanggap ng impormasyon na may pagawaan ng pekeng sigarilyo ang bumibiyahe sa mga kalapit na bayan sa Isabela para ibenta ito sa merkado.
Aniya, mahigit 200 katao ang empleyado ng nasabing pagawaan ng pekeng sigarilyo na kanilang naaktuhang gumagawa ng produkto at pawang mga tubong Visayas at Mindanao.
Bago ito, kinumpiska ang nasa mahigit 600 sako ng pekeng sigarilyo na nakasilid sa mga karton at ibibiyahe sana sa Lungsod ng Santiago.
Kaugnay nito, dinakip din ang apat pang Korean national na namamahala sa pamemeke ng sigarilyo habang ikinostodiya ng pulisya ang nasabing bilang ng mga empleyado na nagtatrabaho sa nasabing pamemeke ng sigarilyo.
Nahaharap ang mga Korean national sa kasong paglabag sa RA 8293 (Intellectual Property Code), Customs Modernization Tariff Act; National Internal Revenue Code at paglabag sa RA 11332 o ‘Law on Reporting of Communicable Diseases’