PAGBABALIK NG COMMERCIAL FLIGHTS SA AKLAN SA AUGUST 18 HINDI PA SIGURADO AYON SA PAMUNUAN NG CAAP

Kalibo, Aklan – Nakadepende pa sa maging desisyon ng Aklan Provincial Government kung papayagan na ang pagbabalik biyahe ng mga eroplano ng Cebu Pacific, Philippine Airlines at Air Asia sa August 18, simula ng isuspende ang mga biyahe nito noong August 4, 2020. Ayon kay Civil Aviation Authority of the Philippines CAAP-Kalibo manager Engr. Eusebio Monserate Jr. naghihintay lamang sila sa maging advisory ng provincial government ng Aklan kung kelan papayagan muli ang commercial flights sa Kalibo International Airport na siyang magpapasakay sa mga Aklanon Locally Stranded Individuals LSI’s at Returning Overseas Filipino ROF. Matandaang nagbaba ng flights suspension ang lokal na pamahalaan dito ng isailalim uli ang National Capital Region NCR sa modified Enhance Community Quarantine MECQ dahil sa pagtaas ng local transmission doon ng Corona Virus Disease o COVID-19. Ayon pa kay Engr. Monserate, preparado ang CAAP-Kalibo anong mang oras ibabalik ang commercial flights sa Kalibo International Airport. Panawagan niya sa mga pasaherong may flight bookings na mag communicate kaagad sa kani-kanilang ang mga airline companies 2 araw bago ang flights at magsuot ng face mask at face shield bago pumasok ng airport para siguradong hindi maantala ang kanilang biyahe.

Facebook Comments