Nagpahayag umano ng pagkabahala si dating Pangulong Rodrigo Duterte sa posibleng pagbabalik ng mga ninja cops at narco politicians.
Ito ang sinabi ni Senator Ronald “Bato” dela Rosa nang makausap ang dating pangulo matapos na malaman ang pagkakasangkot kamakailan ng mga pulis at Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) agents sa iligal na droga.
Pero agad namang nilinaw ni dela Rosa na ayaw manghimasok ng dating presidente sa drug war ng kasalukuyang administrasyon.
Sinabi pa ng senador na hindi naman niya sinasabing nagkulang ang Philippine National Police (PNP) at PDEA pero mas dapat maging alerto at huwag magpabaya ang mga otoridad lalo’t nawala ang “fear factor” ng mga sindikato hindi tulad noong nakaraang administrasyon.
Dahil wala na sa posisyon si dating Pangulong Duterte na kinatatakutan noon ng mga drug personalities ay may mga balitang balik-negosyo na ang mga drug syndicates.
Samantala, may naunang privilege speech si dela Rosa kung saan umapela ito sa kasalukuyang pamahalaan na huwag sayangin ang nasimulan ng dating administrasyon at paigtingin pa ang kampanya laban sa iligal na droga.