PAGBABANTAY SA PRESYO AT SUPPLY NG MGA PANGUNAHING BILIHIN, PINAIGTING NG DTI PANGASINAN SA GITNA NG TUMATAAS NA PRESYO NG LANGIS

Nagpapatuloy ang mahigpit na pagbabantay ng Department of Trade and Industry o DTI Pangasinan sa presyo at suplay ng mga pangunahing bilihin sa lalawigan.

Ayon sa DTI Pangasinan Provincial Office, pinaigting nila ang price at supply monitoring sa mga pamilihan, supermarket, grocery at iba pang tindahan sa iba’t ibang bahagi ng probinsya.

Layunin nitong matiyak na sapat ang suplay ng mga pangunahing pangangailangan at nananatiling abot-kaya ang presyo ng mga ito sa gitna ng tumataas na presyo ng langis sa pandaigdigang merkado.

Batay sa pinakahuling monitoring ng tanggapan, wala namang naitalang panic buying sa mga mamimili sa Pangasinan.

Normal pa rin umano ang pagbili ng publiko at maayos ang daloy ng suplay ng mga pangunahing bilihin sa mga tindahan.

Iniulat din ng mga retailer at may-ari ng tindahan na tuloy-tuloy ang delivery ng mga produkto mula sa kanilang mga supplier kaya nananatiling sapat ang laman ng mga estante ng mga tindahan.

Nanatili namang nasa tamang antas ang presyo ng mga basic necessities at prime commodities sa lalawigan.

Sa kabila nito, patuloy pa ring magmo-monitor ang DTI Pangasinan upang matiyak na nasusunod ang mga batas sa patas na kalakalan at maiwasan ang overpricing, hoarding, at profiteering.

Hinihikayat din ng ahensya ang publiko na maging mahinahon sa pagbili at agad ireport sa pinakamalapit na tanggapan ng DTI o Negosyo Center ang anumang paglabag sa fair trade laws. | 𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣

Facebook Comments