
Tinalakay sa Senado ang panukala na nagbabawal sa mga kaanak ng isang public official hanggang Fourth Degree of Consanguinity and Affinity na pumasok o sumali sa mga government contracts.
Sa pagdinig ng Senate Subcommittee on Civil Service, Government Reorganization and Professional Regulation na pinamumunuan ni Senator Chiz Escudero ay nabusisi kung hanggang saang degree ng kaanak ipatutupad ang pagbabawal sa pagsali sa mga proyekto ng gobyerno.
Tinukoy sa panukala ang mga kamaganak ng kalihim ng ahensya, heads ng procuring entity, myembro ng governing board, iba pang public officer o empleyado na may tungkulin na policy-determining, supervisory, o managerial functions, gayundin ang mga nasa military at uniformed personnel.
Kasama rin sa mga opisyal na ipagbabawal ang mga kamaganak na makilahok sa government contracts ang mga elected officials tulad ng mga mayors, vice mayors, governors, kongresista, senador at kahit pa sa ehekutibo.
Paliwanag ni Escudero, kaya hanggang fourth degree ng kamaganak ang ipinagbabawal na makapasok sa mga proyekto ng gobyerno ay dahil mas malayo, mas mataas ang risk o panganib na takbuhan ng mga ito ang obligasyon sa mga pinasok na kontrata sa pamahalaan.










