
Hinikayat ni Bicol Saro Party-list Rep. Terry Ridon ang kaukulang komite sa Kamara na imbestigahan ang nangyaring pagbasak ng kisame sa West Arrival Curb C na Ninoy Aquino International Airport o NAIA Terminal 1 nitong nagdaang Holy Week.
Layunin ng pagdinig na matukoy kung sino ang dapat managot sa insidente at kung nagsasagawa ba ng sapat na maintenance sa NAIA Terminals ang New NAIA Infra Corp. (NNIC) na siyang bagong airport operator.
Giit ni Ridon, dapat ding magkasa ang NNIC ng komprehensibong inspeksyon sa lahat ng pasilidad ng paliparan para tiyakin ang kaligtasan ng mga dumadagsang pasahero.
Nais din ni Ridon na linawin ng NNIC kung ang bumagsak na kisame ay bago o bahagi ng lumang istraktura upang matukoy kung ito ba ang dapat managot o ang Manila International Airport Authority (MIAA), na dating airport operator.
Kaugnay nito ay pinapatiyak naman ni Ridon na naibibigay ang lahat ng pangangailangan ng mga biktima ng insidente.










