Cauayan City, Isabela- Malaki ang naging kontribusyon ng naranasang matinding pagbaha sa Lalawigan ng Cagayan sa mataas na naitalang bilang ng mga nagpopositibo sa COVID-19.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Cagayan Governor Manuel Mamba, naniniwala ito na ang nangyaring Mega Flood sa probinsya ay nagdulot ng lalong pagkalat ng sakit na COVID-19.
Hindi naman aniya lingid sa kaalaman ng lahat na halos hindi na nasunod ng mamamayan ang ipinatutupad na minimum health standards kontra sa COVID-19 noong kasagsagan ng pagbaha sa Isabela at Cagayan.
Maging ang mga rescuers ay hirap na rin aniyang obserbahan ang physical distancing dahil na rin sa dami ng mga residenteng inilikas mula sa kanilang nalubog na bahay.
Ayon pa sa Gobernador, hindi na nakasunod sa protocol ang mga apektadong mamamayan sa probinsya dahil na rin sa hindi inaasahang pangyayari na ikinagulat ng marami.
Matatandaang sinalanta ng severe flashfloods ang probinsya ng Cagayan maging ang Isabela na dulot ng nagdaang Typhoon Ulysses kung saan halos nalubog sa baha ang malaking bahagi ng Cagayan na ngayo’y unti-unti nang bumabangon.
Kaugnay nito, ibinahagi ng Gobernador na nagpapatuloy na ang kanyang pakikipag-ugnayan sa mga Alkalde, municipal health officer at sa mga kapulisan na muling higpitan ang implimentasyon sa health protocols.