
Binigyang-diin ng House Committee on Justice na hindi ni-railroad o minadali ang proseso kaugnay ng pagbasura sa dalawang impeachment complaints laban kay Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., matapos matukoy na walang sapat na substance ang mga ito.
Ayon kay Vice Chairperson San Juan Rep. Ysabel Maria Zamora, naging maayos at bukas ang pagtalakay ng komite. Aniya, kung tutuusin ay naging maluwag si Committee Chairman Batangas Rep. Gerville Luistro at binigyan ng sapat na pagkakataon ang lahat ng miyembro ng komite na magsalita sa pagdinig hinggil sa mga reklamo laban sa pangulo.
Paliwanag naman ni Manila Rep. Joel Chua, hindi maaaring sabihin na minadali ang naging pasya ng komite dahil lahat ng miyembro, pati ang mga endorser ng impeachment complaints, ay nakibahagi sa pagtalakay, nakapagsalita, at walang nagreklamo sa naging proseso.










