Pinabibilisan ni Senator Nancy Binay sa Department of Budget and Management (DBM) ang paglalabas sa 2.5-billion pesos na pondong nakalaan sa fuel subsidy para sa sektor ng pampublikong transportasyon.
Kabilang dito ang mga tsuper ng jeep, tricycle, taxi, at mga full time na ride-hailing delivery service.
Diin ni Binay, dahil sa patuloy na pagtaas ng presyo ng langis ay umaaray na ang ating mga public transport sector workers na nagsisikap bumangon matapos silang matengga ng matagal dahil sa pandemya.
Ang pahayag ni Binay ay kasunod ng sinabi ni Budget Undersecretary Tina Rose Marie Canda na hindi maipalabas ang pondo dahil kulang pa sa dokumento ang request para rito mula sa Department of Transportation (DOTr).
Giit ni Binay, ilabas na ang pondo kung iisang dokumento na lang pala ang hinihintay at natugunan naman ang criteria para sa pamamahagi ng subsidiya.
Hiling ni Binay sa DBM at DOTr, mag-adjust at ayusin sa lalong madaling panahon ang mga kulang na papeles dahil hirap na hirap na ang mga public utility drivers sa harap ng pagtaas ng presyo ng produktong petrolyo at pagkain.