Pinapabigyan ng ilang mambabatas ng ₱2,000 na buwanang subsidiya mula sa gobyerno ang mga magulang na mayroong “children with disability” na edad 21 pababa.
Nakapaloob ito sa House Bill 6743 na inihain ni Davao City Rep. Paolo Duterte, Benguet Rep. Eric Yap at ACT-CIS Partylist Reps. Edvic Yap at Jeffrey Soriano.
Ang panukala ay bilang tulong sa mga magulang na mayroong kapansanan ang anak o may espesyal na pangangailangan dahil mas mataas ng 40 to 80 percent ang kanilang gastos na mas pinalala pa ng patuloy na pagtaas ng presyo ng bilihin at serbisyo.
Masasaklaw nito ang lahat ng mga magulang ng mga batang may kapansanan na binerepika at sinertipikahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD) at National Council on Disability Affairs (NCDA).
Kapag naisabatas ang panukala, ang mga aabuso ay pagmumultahin ng hindi bababa sa ₱25,000 at maaaring umabot ng hanggang ₱200,000.
Nasa ₱2 billion ang isinusulong na paunang pondo nito at sa mga susunod na taon ay isasama na sa general appropriations.