
Mahigpit na ipinagbabawal ang pagbili o pagbebenta ng mga na-repack na ready-to-eat food (RTEF) boxes ng Department of Social Welfare and Development (DSWD).
Sinabi ni Special Assistant to the Secretary (SAS) Leo Quintilla na siya ring Officer-In-Charge ng DSWD-National Resource and Logistics Management Bureau (NRLMB), may parusa rin ang hindi awtorisadong pamamahagi ng RTEF boxes at iba pang relief items na ibinibigay kapag may disaster response operations.
Ito ay nasa ilalim ng Republic Act No. 10121 o ang Philippine Disaster Risk Reduction and Management Act of 2010.
Dagdag ni Quintilla ang pagtakip o pagtanggal sa official DSWD label o ang pagbibigay ng mga item sa mga taong hindi naman elligible ay maituturing ding paglabag sa batas.
Iginiit nitong ang RTEFs at iba pang family food packs (FFPs) ay para lamang sa mga indibidwal o pamilyang apektado ng kalamidad at emergency.
Ang laman ng RTEF box ay kinabibilangan ng limang lata ng tuna paella, isang lata ng chicken pastil, isang lata ng giniling, dalawang pack ng arroz caldo, tatlong champorado, dalawang protein biscuits at complementary food para sa mga sanggol.
Kapag wala ang kahit isa sa mga nabanggit na item, ibig sabihin ay na-tamper o nabuksan ang food packs.









