Cauayan City, Isabela- Malinaw umano na hindi pa handa ang Kagawaran ng Edukasyon para sa pagbubukas ng klase sa darating na Agosto 24 para sa School Year 2020-2021.
Ito ang inihayag ni dating Assistant Secretary ng DepEd Atty. Emilio Abelita sa naging panayam ng 98.5 iFM Cauayan sa kanya.
Aniya, huwag sanang madaliin ang pasok ngayong taon hanggat wala pang malinaw na sistema ang DepEd para sa bagong isitilo ng pagtuturo para sa ‘new normal’ dahil mahihirapan lamang aniya ang mga mag-aaral kung ipagpapatuloy na ito.
Marami aniya itong nakikitang maaaring maging problema sa new normal na pagtuturo na dapat ay ikonsidera ng DepEd.
Una nang sinabi ng DepEd na gagamit ng blended learning approach sa pagtuturo gamit ang modules, internet, radyo at telebisyon na mabisa pa rin umanong istratehiya upang maipagpatuloy ang edukasyon ng mga mag-aaral.
Gayunman, hindi aniya makatitiyak ang Kagawaran ng Edukasyon kung mababantayan at magagabayan ng magulang sa pag-aaral ang anak gaya ng modular learning at iba pang alternative *learning* *modalities.*
Hindi rin aniya lahat ng mag-aaral ay may kakayahan na sumabay sa online class dahil may mga lugar din aniya na problema ang signal at walang connection sa internet.
Bukod dito, wala rin aniyang kasiguraduhan ang mga guro kung matututo at mabigyan ng sapat ng edukasyon ang mga mag-aaral sa pamamagitan ng new blended learning method.
Sinabi nito na mahirap i-accommodate at pagsabayin ang maraming bilang ng mga estudyante mula sa Kindergarten hanggang sa Grade 6 para sa mga sinasabing pamamaraan ng pagtuturo sa new normal.
Dahil dito, umaapela si Atty. Abelita sa mga lokal na opisyal na hilingin sa Pangulo na kung maaari ay iatras muna ang pasok ngayong taon upang mabigyan ng sapat na panahon na makapaghanda ang DepEd para hindi aniya maging hilaw ang edukasyon na maibibigay sa mga estudyante ngayong nahaharap din sa krisis ang bansa na dulot ng COVID-19 pandemic.