Binigyang-diin ng Department of Education (DepEd) na tuloy ang pagbubukas ang klase sa mga pampublikong paaralan sa bansa sa August 22, 2022.
Ito ay sa kabila ng apela ng Teachers’ Dignity Coalition na ipagpaliban muna ang pasukan at gawin na lamang sa kalagitnaan ng Setyembre ang school opening dahil sa kawalan ng bakasyon ng mga guro.
Sa joint presscon ng Office of the Vice President at DepEd, sinabi ni Education Spokesperson Michael Poa na nakipagpulong si VP at Education Sec. Sara Duterte sa TDC kung saan inilatag ng mga guro ang kanilang hinaing.
Ayon kay Poa, pinag-aralan ng legal department ng DepEd ang hinaing ng mga guro at dito nakita na walang ligal na basehan ang hinihiling nilang dalawang buwang bakasyon.
Sinabi ng opisyal na entitled lang ang mga guro sa Proportional Vacation Pay (PVP) na kanilang pag-aaralan.
Bukod pa rito, sinabi ni Poa na naka-mandato sa batas na kailangan ipatupad ng DepEd ang school opening bago ang katapusan ng Agosto.
Sa ngayon ay umaabot na sa 15.2 million na mga estudyante ang nakapag enroll na sa buong bansa.