Pagbuwag ng PNP sa Barikada ng Mamamayan Kontra sa OceanaGold, Nauwi sa Gulo at Sakitan!

Cauayan City, Isabela- Nagkagulo at nauwi sa sakitan ang ginawang pagbarikada ng mamamayan sa Brgy. Didipio, Kasibu, Nueva Vizcaya.

Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Kagawad Celia, nitong April 6, 2020 nang harangin ng halos 20 indibidwal ang pagpasok ng tatlong (3) fuel tanker sa OceanaGold Philippines sa naturang barangay.

Aniya, nagkaisa ang kanilang mga constituent na harangin ang mga tanker dahil matagal nang ‘expired’ ang Financial or Technical Assistance Agreement (FTAA) ng naturang kumpanya kaya’t walang rason na magpasok pa ng mga tanker at mag-operate ito.


Hindi rin aniya pabor ang mamamayan sa FTAA renewal at operasyon ng OceanaGold dahil nakakasira ito sa kalikasan.

Nagtungo rin ang ilang mga opisyal ng barangay sa pinangyarihan ng insidente upang matiyak na walang masaktan subalit dahil aniya sa kagustuhan ng mga mamamayan na mapigilan ang pagpasok ng mga tanker ay nauwi ito sa gulo matapos na mabuwag ng kapulisan ang kanilang barikada.

Bagamat ipinagbabawal ang paglabas ng bahay dahil sa umiiral na Enhanced Community Quarantine ay hindi na rin napigilan ang paglabas ng mga constituent dahil sa kagustuhang harangin ang mga tangke.

Nagpapasalamat naman si Kagawad Celia dahil nakalabas na ng himpilan ng pulisya ang mga nahuling nagsagawa ng barikada at hiniling nito ang suporta ng bawat mamamayan na dapat makipagtulungan upang maayos ang naturang usapin.

Samantala, pinabulaanan naman ng naturang Kagawad na sila ay tumanggi sa imbitasyon ng kumpanya upang mag supervise sa mga maintenance at dewatering ng kumpanya.

Facebook Comments