Cauayan City, Isabela-Aprubado na nang Sangguniang Panlalawigan ng Cagayan ang inihaing ordinansa ‘Anti-Spitting’ o pagbabawal sa pagdura sa mga pampublikong lugar sa buong probinsya sa kabila ng posibleng maipasa ang virus sa pamamagitan nito.
Ayon kay BM Atty. Mila Lauigan ng 3rd District ng Cagayan, iginiit niya na kahit kinagawian na ng ilang mamamayan ang pagdura lalo na ang paggamit ng ‘NGANGA’ ay hinihimok pa rin nito ang publiko na limitahan ito sa kabila ng banta ng COVID-19.
Hinalimbawa pa ni Lauigan na kapag ang isang tao ay dumura sa mga pampublikong lugar at dinapuan ito ng langaw at maipasa sa bibig o anumang parte ng katawan ng tao ay posibleng makapagbigay pa ito ng sakit lalo pa’t hindi alam ng karamihan kung ang isang tao ay carrier ng sakit.
Aniya, papatawan ng parusang hindi bababa sa anim (6) na buwan na pagkakakulong at pagmumultahin ng P5,000 ang mga mapapatunayang lalabag sa ordinansa.
Paalala naman nito sa publiko lalo na sa mga magtutungo sa lalawigan na iwasan ang pagdudura sa mga pampublikong lugar para makaiwas sa pagkakakulong sa ilalim ng ordinansa.