
Pinagbigyan ng Manila Regional Trial Court Branch 21 ang hiling ng House Committee on Justice na dumalo si Ramil Madriaga sa impeachment proceedings laban kay Vice President Sara Duterte sa April 14 mula 8:00 ng umaga hanggang 5:00 ng hapon.
Ayon kay Bicol Saro Party-list Representative Terry Ridon, batay ito sa kautusan ni Presiding Judge Alma Crispina Collado-Lacorte na ipinadala sa komite.
Diin ni Ridon, mahalagang testigo si Madriaga sa proseso ng pagtukoy kung may probable cause ang dalawang impeachment complaint laban kay VP Duterte.
Inaasahang magbibigay si Madriaga ng testimonya ukol sa maling paggamit umano ni VP Sara ng confidential funds.
Pinapasumite din ng komite kay Madriaga ang oridinal na kopya ng kanyang affidavit na may petsang November 29, 2025 at iba pang ebidensya na nasa kanyang pag-iingat laban kay VP Duterte.










