Pinamamadali ni Senator Robin Padilla ang pagkumpleto sa mga miyembro na bubuo sa Marawi Compensation Board (MCB) upang maibigay na agad ang ‘claims’ o kabayaran para sa mga biktima ng giyera sa Marawi.
Sa Senate Resolution 8 na inihain ni Padilla, agad na pinakikilos ang tanggapan ng Executive Secretary para suriin ang mga bubuo ng board.
Ang MCB na bubuuhin ng Chairperson at walong myembro ng board ang siyang mangangasiwa at magpapatupad ng pagbibigay ng kompensasyon sa mga Marawi siege victims.
Tinukoy ng senador na limang taon na ang lumipas mula ng matapos ang Marawi siege at hanggang ngayon ay naghihintay pa rin ang mga biktima ng digmaan na maipatupad ang Republic Act 11696 o Marawi Siege Victims Compensation Act of 2022 upang sa gayon ay makabalik na sila sa mga dating buhay.
Iginiit ni Padilla na ang Office of the Executive Secretary bilang alter-ego ng presidente ay may mandato na tumulong na mamamahala sa mga gawain ng pamahalaan gayundin sa pagbibigay ng direktiba sa operasyon ng opisina ng pangulo.