Paglipana ng smuggled na sibuyas at iba pang agricultural products online, pinapa-imbestigahan sa Kamara

Paiimbestigahan ni AGRI Party-list Representative Wilbert Lee sa Kamara ang napaulat na paglipana ng smuggled na sibuyas at iba pang agricultural products online na napakamura pero delikado umano sa kalusugan.

Sa House Resolution No. 1600 ay iginiit ni Lee na mamamatay ang kabuhayan ng ating mga magsasaka at mangingisda dahil hindi nila mapantayan ang napakamurang halaga online ng mga smuggled na agri-product.

Binanggit din ni Lee ang impormasyon mula sa Samahang Industriya ng Agrikultura o SINAG na malaki na ang nalulugi sa mga magsasaka dahil sa 28 pesos kada kilo na farmgate price dagdag pa ang nasa 30 pesos kada kilo na production cost.


Giit ni Lee, kailangan ding silipin sa padinig ang epekto sa kalusugan ng nabanggit na mga smuggled na sibuyas at iba pang produkto dahil may natanggap silang mga reklamo na hindi maganda ang kalidad ng mga ito, nabubulok na at yung ibang nakumpiska ay natuklasang may E. coli bacteria.

Bunsod nito ay hiniling ni Lee sa Bureau of Plant Industry (BPI) na magsagawa ng phytosanitary tests para matukoy ang banta sa kalusugan ng mga ibinebentang smuggled na sibuyas online.

Facebook Comments