
Hiniling ni Manila 2nd District Representative Rolando Valeriano kay Pangulong Ferdinand Bongbong Marcos, Jr. na iutos ang agarang pagpapahinto sa operasyon ng lahat ng uri ng online gambling kasama ang online casinos at online sports betting.
Paliwanag ni Valeriano, talo ang mga mahihirap lalo na ang nababaon sa utang dahil sa online gambling at tanging nakikinabang lang sa gambling apps ay ang mga operators at celebrity endorsers.
Sabi ni Valeriano, tila lason ang online gambling na kinahuhumalingan at nagpapalabnaw sa kaisipan ng mahihirap at lumulusaw sa kinabukasan ng mga kabataan.
Bunsod nito ay umaapela si Valeriano sa Department of Justice (DOJ) at Executive Branch na bumalangkas ng rekomendasyon para sa panukalang batas o presidential issuance na magtatakda sa online gambling bilang cybercrime na may katapat na parusa.
Kaugnay nito ay iginiit ni Valeriano sa Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) at sa Games and Amusement Board na ipawalang-bisa o bawiin ang lahat ng lisensya na iniisyu nito para sa online gambling.
Dagdag pa ni Valeriano, dapat pagbawalan din ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang lahat ng electronic payment systems at e-wallets na magkaroon ng koneksyon sa online gambling.









