
Lubos na nababahala ang gobyerno ng Pilipinas sa nagpapatuloy na kaguluhan sa Middle East.
Kung kaya nananawagan sila sa mga Pinoy na kumalma sa sitwasyon at umiwas sa anumang hakbang na posibleng magpalala sa kaguluhan na maaaring magkaroon ng banta sa kapayapaan at seguridad sa rehiyon at sa buong mundo.
Ayon sa Department of Foreign Affairs (DFA), prayoridad ng pamahalaan ang kapakanan, kaligtasan at proteksyon ng mga Pilipino sa rehiyon lalo pa’t nadadamay na rin ang ilan pang mga bansa.
Nakahanda ang Embahada ng Pilipinas sa rehiyon na magbigay ng mga kinakailangang tulong sa mga Pilipino sa kanilang nasasakupan.
Muli namang binigyang-diin ng Pilipinas ang pangangailangan para sa isang mapayapa at diplomatikong solusyon sa naturang krisis.