Pagpapahinto sa a hybrid o virtual session, iginiit nina Rep. Lagman at Rep. Garin

Pinapahinto na nina Albay Rep. Edcel Lagman at Iloilo Rep Janette Garin ang pinapatupad na “hybrid o virtual sessions” sa Mababang Kapulungan na sinimulang ipatupad noong Mayo 2020 dahil kasagsagan ng COVID-19 pandemic.

Sa nabanggit na sistema ay mayroong ilang mambabatas na nasa session hall habang ang iba ay pinapayagan na makibahagi sa proceedings sa pamamagitan ng email, teleconferencing o messaging apps.

Pero diin ni Lagman, nagbalik na nga ang face-to-face classes ng mga estudyante, kaya dapat na ring magbalik ang face-to-face sessions ng Kamara.


Umaasa si Lagman na maaamyendahan na ang rules ng Kamara para pagkatapos ng halloween break sa session ng Kongreso simula September 30 hanggang November 6 ay makabalik na sila sa face-to-face legislation.

Paliwanag naman ni Garin, bilang pagpapakita sa publiko na balik na normal ang bansa ay mainam na magkaroon na ng face-to-face legislation.

Katwiran pa ni Garin, magiging maganda sa ekonomiya ng bansa kung makikitang “back to normal” na ang trabaho sa mga pangunahing tanggapan ng gobyerno pangunahin na sa Kamara na may 311 district representatives at partylist.

Facebook Comments