Cauayan City, Isabela – “Hindi balido ang pagpapakasal ng isang buhay na tao sa patay na”, ito ang naging pahayag ni Atty. Randy Arreola, Board Member ng Ikatlong Distrito ng Isabela, kaugnay sa naganap na pagpapakasal ni Miss Zyrine Delmendo sa labi ng nobyong si Jake Anthony Macadangdang kaninang umaga sa Aves Memorial Garden ng San Fermin, Cauayan City. Isabela.
Ayon pa kay Atty. Arreola, ang validity umano ng pag-aasawa ay nakapaloob sa pagitan ng babae at lalaki na may kapasidad na pumirma ng isang kontrata na ang ibig sabihin umano ay dapat na buhay ang babae at lalaki.
Ito ay dahil sa kailangan umano na mayroong pag-sang ayon sa kontrata ng dalawang taong nagmamahalan hanggang sa sila ay nabubuhay.
Aniya, kahit pa umano may nangyaring seremonya na ginawa ng isang solemnizing officer o pastor ay hindi umano magiging ligal ang kanilang kasal dahil sa hindi naman maaring irehistro ang kanilang kasal.
Paliwanag pa ni Atty. Arreola na kung sakaling makalusot ito na mairehistro ay hindi parin balido dahil sa simula pa lamang ay wala na itong bisa.