Saturday, February 14, 2026

Pagpapalakas sa MSMEs, makatutulong para matugunan ang tumataas na bilang ng mga walang trabaho sa bansa

Nananawagan si Brian Raymund Yamsuan, kinatawan ng 2nd District ng Parañaque, sa mga mambabatas na agad ipasa ang panukalang magpapalawak sa access ng micro, small, and medium enterprises (MSMEs) sa domestic at global supply chains.

Ang hangarin ni Yamsuan ay nakapaloob sa inihain niyang House Bill no. 6599 na layuning palakasin ang MSMEs, na tiyak na makatutulong upang mabawasan ang bilang ng mga kababayan nating walang trabaho.

Ito ay makaraang iulat nitong December 2025 ng Philippine Statistics Authority (PSA) na nasa 4.4% o katumbas ng 2.26 million na Pilipino ang walang trabaho.

Sa ilalim ng panukala ni Yamsuan, itatatag ang National Supplier Development Program (NSDP) na magkakaloob ng pondo at technical support upang makapagsuplay ang MSMEs ng mga produkto at serbisyo sa mas malalaking kompanya dito sa bansa at sa abroad.

Nakapaloob din sa panukala ang pagbuo ng National Supplier Development Fund (NSDF) na tutulong upang magkaroon ng bagong makinarya at teknolohiya ang mga MSME.

Aalalay din ito sa pagkuha nila ng kinakailangang mga sertipikasyon at sa pagbibigay ng kinakailangang pagsasanay sa kanilang mga tauhan.

Facebook Comments