*Cauayan City, Isabela- *Iminungkahi ng pinuno ng samahang AKO-OFW ng Lalawigan ng Isabela na kung maaari ay palawigin pa ng Overseas Workers Welfare Administration o OWWA Region II ang pamimigay ng Calamity Assistance sa mga OFW’s na nasalanta ng bagyong Ompong sa lalawigan ng Isabela.
Ito ay makaraang linawin ni OWWA Regional Director Filipina Dino na ang mga OFW lamang na nasa bayan ng unang distrito ng Isabela ang mabibigyan ng ayuda.
Ayon naman kay ginoong Efren Cadiz, ang pinuno ng AKO-OFW Isabela na maaari naman umanong palawigin ang pamimigay ng ayuda sa lahat ng mga OFW’s ng Isabela at susuriin na lamang umano kung talagang malalang naapektuhan ng Ompong.
Mula kasi umano sa pitumpung libong bilang ng mga OFW dito sa lalawigan ng Isabela ay marami rin umano sa mga OFW’s ang hindi sakop ng District 1 ng Isabela subalit malalang nasalanta ng Ompong.
Ayon pa kay ginoong Cadiz na bilang parte sa ika-apat na anibersaryo ng kanilang samahan ay nakikipagkoordinasyon na umano sila sa mga bayan at organisasyon ng mga OFW’s upang maihatid ang mga kaalaman at benipisyo na dapat malaman ng mga OFW’s.