Pagpapalawig sa Renewal ng Business Permit sa Cauayan City, Aprubado na sa Konseho

Cauayan City, Isabela- Aprubado na sa Sangguniang Panlungsod ng Cauayan ang panukala na palawigin ang pagbabayad o renewal ng business permit ng mga malaki o maliliit na negosyante sa lungsod.

Ito ang kinumpirma ni City Councilor Edgardo ‘Egay’ Atienza, Author ng nasabing panukala.

Sa panayam ng iFM Cauayan kay Atienza, tatagal hanggang Marso 31, 2021 ang renewal ng business permit mula sa orihinal nitong deadline na Enero 20.


Kaugnay nito, walang ipapataw na penalty o multa sa lahat ng uri ng negosyo hanggang sa katapusan ng buwan ng Marso.

Ayon pa kay Atienza, layunin ng panukala na bigyan ng dagdag na panahon ang mga negosyante upang mapag-impok ng pambayad makaraang malugi dahil sa kinakaharap na pandemya.

Lagda nalang ni City Mayor Bernard Dy ang hinihintay upang ganap na itong maging ordinansa at mabigyan ng abiso ang mga negosyante patungkol dito.

Facebook Comments