
Mas pinalalawak at pinatitibay ng Pamahalaang Lungsod ng Dagupan ang serbisyong hatid ng Pantawid Pamilyang Pilipino Program (4Ps) upang mas marami pang benepisyaryo ang maabot at mapabuti ang kalagayan ng mga pamilyang kabilang sa programa.
Ito ang binigyang-diin sa idinaos na 1st Quarter City Advisory Council (CAC) meeting na pinangunahan ng Department of Social Welfare and Development (DSWD), kung saan tinalakay ang kasalukuyang implementasyon ng 4Ps at ng Sustainable Livelihood Program sa lungsod.
Dumalo rin sa pagpupulong ang City Social Welfare and Development Office, Public Employment Service Office, City Health Office, Teen Center, gayundin ang mga katuwang na ahensya mula sa Department of Education at Philippine National Police upang talakayin ang mahahalagang update, isyu, at mga concern kaugnay ng programa.
Ayon sa mga kinauukulan, mahalaga ang regular na CAC meeting upang masigurong maayos ang koordinasyon ng mga ahensya at mas epektibong naipatutupad ang mga programang nakatuon sa edukasyon, kalusugan, at kabuhayan ng mga benepisyaryo, lalo na ng mga pamilyang higit na nangangailangan.
Patuloy namang isinusulong ng lokal na pamahalaan ang adhikaing mailapit ang mga serbisyong panlipunan nang direkta sa mga mamamayan ng Dagupan City. |𝙞𝙛𝙢𝙣𝙚𝙬𝙨𝙙𝙖𝙜𝙪𝙥𝙖𝙣










