Cauayan City, Isabela- Iminungkahi ng pamunuan ng Department of Trade and Industry (DTI) Isabela na kung maaari ay huwag nang isali sa mga ipinatutupad na protocols sa mga establisyimento ang pagpapapirma sa logbook para sa mga taong pumapasok dito.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Mr Winston Singun, provincial director ng DTI Isabela, isa aniya ito sa kanilang suhestiyon lalo na sa mga malalaking establisyimento gaya ng mga Mall at shopping center na hindi na dapat kinakailangang magsulat sa logbook ang mga pumapasok na customer dahil may posibilidad pa aniya na mas lalong maikalat ang virus.
Inihalimbawa nito ang iisang ballpen na ginagamit at hinahawakan ng sino-sinong tao na maaaring dahilan ng transmission ng virus.
Base pa aniya sa kanyang obserbasyon, isa din ito sa pagkakaroon ng kumpulan ng mga tao habang pumipila at naantala ang oras ng mga mamimili.
May epekto din aniya ito sa negosyo dahil ilan aniya sa mga customer ay umiiwas sa mahabang pila lalo na kung mayroon itong emergency na bibilhin kaya’t pinipili na lamang na bumili sa ibang establisyimento.
Giit ni Mr Singun, sapat na aniya ang thermal scanning, hand washing, foot sanitizing, social distancing upang hindi maikalat at makaiwas sa virus.
Bagamat isa aniya ito sa ginawang hakbang ng mga kinauukulan para sa mas madaliang contact tracing sakaling may magpositibo sa COVID-19 ay palaisipan pa rin aniya sa kanya ito kung ito ba ay epektibo.
Gayunman, nasa pamunuan pa rin aniya ng establisyimento kung susundin ito o huwag nang imandato.
Samantala, patuloy ang ginagawang pagmonitor ng mga kawani ng DTI sa Lalawigan upang inspeksyunin ang mga establisyimento lalo na sa mga kainan kung sumusunod ba ang mga ito sa mga protocols ngayong nasa ilalim na ng Modified General Community Quarantine (MGCQ) ang Isabela.