
Maaaring nang gamitin ni Pangulong Bongbong Marcos ang kapangyarihan nito na magpatupad ng price freeze sa langis kapag nagtuluy-tuloy ang pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.
Ito ang iginiit ni Senator Sherwin Gatchalian lalo na kapag ang LPG ay pumalo sa P40 kada kilo na maaaring maging trigger na sa pangulo para gamitin nito ang kapangyarihan na magpatupad ng price freeze sa lahat ng petroleum products.
Paliwanag ni Gatchalian, ang LPG ay isang basic commodity at kapag nagtuloy-tuloy pa ang pagtaas nito ay maraming mga negosyo ang maaapektuhan.
Sa ilalim ng oil deregulation law, kapag nagdeklara ng state of national energy emergency, pwedeng gawin ng Pangulo na i-take-over ang oil facilities para maayos ang suplay ng produktong petrolyo gayundin ay maaaring i-take-over ng gobyerno ang operasyon, kasama na ang pag-freeze sa presyo.
Naniniwala si Gatchalian na hindi malabong magamit ng Pangulo ang price-freeze lalo na kung magpapatuloy pa rin ang tensyon sa Middle East.










