Cauayan City, Isabela- Hiniling ng pamahalaang panlungsod ng Ilagan sa Regional IATF na bigyan muna ng moratorium ang ginagawang pagpapauwi sa mga Locally Stranded Individuals (LSI’s) at Returning Overseas Filipino Worker’s (ROF’s) sa Lungsod.
Sa panayam ng 98.5 iFM Cauayan kay Ginoong Paul Bacungan, Information Officer ng City of Ilagan, nakipag-ugnayan na aniya si City Mayor Jay Diaz sa Regional IATF upang hilingin na pansamantala muna nitong ipapatigil ang pagpapauwi sa mga LSI’s ng sampung (10) araw para sa gagawing disinfection at maihanda ang mga gagamiting quarantine facilities ng mga ito.
Sa kasalukuyan aniya ay nasa mahigit 600 na mga LSI’s at OFW ang naka-quarantine sa 10 na quarantine facilities ng pamahalaang Lungsod.
Puno na rin aniya ang itinalagang mega quarantine facilities sa City of Ilagan Sports Complex.
Sinabi nito na mayroon pang 500 na mga LSI’s ang nais umuwi sa Lungsod na ipoproseso ng lokal na pamahalaan pagkatapos ng itatakdang moratorium sa pag-uwi ng mga LSI’s at ROF.