Pagpaslang sa Dating Brgy. Kagawad, May Gabay na ang PNP Cauayan City!

Cauayan City, Isabela – May nakikita nang gabay  ang pamunuan ng PNP Cauayan City sa inisyal na imbestigasyon nito sa naganap na pagpaslang kamakailan sa dating Brgy. Kagawad ng Cabaruan, Cauayan City, Isabela.

Sa naging panayam ng RMN Cauayan kay Police Senior Inspector Esem Galiza, tagapagsalita ng Cauayan City Police Station, sinabi niya na sumailalim sa paraffin test ang limang indibidwal na umanoy pinaghihinalaan ng pamilya ng biktimang si Edilberto Milo Del Rosario ngunit wala pa umanong resulta hanggang sa ngayon ang crime laboratory sa ginawang pagsusuri.

Sinabi pa ni Police Senior Inspector Galiza na tumugon naman umano ang limang katao na sumailalim sa paraffin test kung saan isa sa naging basehan na natukoy ang limang pinaghihinalaan ay dahil umano sa land dispute o pagtatalo sa lupa na pangunahing tinitingnan ngayon ng otoridad sa isinasagawang imbestigasyon.


Iginiit pa ni Galiza na kabilang din sa pagsisiyasat ay ang natanggap na banta sa buhay ni Del Rosario sa pamamagitan ng test messages bago nangyari ang pamamaril.

Aniya, isasailalim rin sa cyber crime group ang cellphones ng biktima na isa ring gabay sa imbestigasyon ng naturang krimen.

Idinagdag pa ng opisyal na kabilang rin sa imbestigasyon ang naganap na pambubugbog ni Del Rosario kamakailan sa Cabatuan road kung saan ay hindi na bumalik at reklamo ang biktima dito.

Matatandaan na pinagbabaril ng riding in tandem si Del Rosario, pasado alas otso ng gabi, December 02, 2018 habang pauwi sa bahay ng kaniyang biyanan sa Brgy. Sillawit, Cauayan City.

Facebook Comments