Pagpresenta ng Valid ID sa mga Business Establishments sa Cauayan City, Hiniling ni Mayor Dy

Cauayan City, Isabela- Hiniling ni Cauayan City Mayor Bernard Dy ang lahat ng may-ari ng establisyimento na gawing protocol ang pagpepresenta ng kaukulang valid ID ng mga customer o kliyente na papasok tuwing magkakaroon ng transaksyon sa kanila.

Ayon sa alkalde, kung maaari ay huwag payagang makapasok sa mga pribadong tanggapan ang mga indibidwal kung hindi makapagpapakita ng ‘proof of age and identity’.

Para naman sa mga magmumula sa Metro Manila at iba pang high-risk areas both land and air travel na magtutungo sa Cauayan City, kinakailangang dumiretso sa ISU quarantine facilities para sumailalim sa mandatory triage.


Ang mga miyembro ng PNP Cauayan City ang magsisilbing escort ng mga uuwi sa lungsod para idiretso sa quarantine facilities.

Samantala, pansamantala namang sususpindehin ang ‘green lanes’ para sa mga fully vaccinated individuals na magmumula sa Metro Manila o high-risk areas kung saan kinakailangan pa rin na magpresenta ng negative results ng antigen o RT-PCR tests sa loob ng 48-hours na siyang gagamitin sa checkpoints at airport.

Sa kasalukuyan, ipapatupad ng LGU ang “No ID, No Entry” Policy para sa mga hindi residente na papasok sa lungsod.

Facebook Comments