Pagsasaayos ng NAIA, mas dapat na unahin ng DOT

Iginiit ni Senate Committee on Public Services Chairman Senator Grace Poe na mas dapat na unahin ang pagsasaayos ng serbisyo sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).

Ginawa ng senadora ang reaksyon sa gitna na rin ng inilunsad na bagong tourism slogan ng Department of Tourism (DOT) na “Love the Philippines”.

Ayon kay Poe, kinikilala naman nila ang pagsisikap ng DOT na mahimok ang mga byahero na bumisita at maibigan ang natural na kagandahan at kakaibang kultura ng Pilipinas.


Pero hirit ni Poe, ang mga agaw-pansin na tourism slogans ay hindi dapat magpapigil sa mga dayuhan na bumisita sa atin dahil lamang sa hindi magandang karanasan sa bansa.

Punto pa ng senadora, maraming maiaalok ang Pilipinas para maging “world-class destination”.

Kaya naman, dapat aniya na umpisahan pa lang ang masaya at magandang karanasan ng mga byahero sa pagpapahusay ng serbisyo sa ating mga paliparan.

Binigyang-diin ni Poe na hindi lamang maituturing na gateway ng isang bansa ang airport kundi ito rin ang una at huling impression o marka na makukuha ng isang dayuhan sa pagdalaw sa Pilipinas.

Facebook Comments