Cauayan City, Isabela- Aprubado na ang muling pagsasailalim sa Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) sa Lungsod ng Tuguegarao simula hatinggabi ng October 3 hanggang October 16.
Ito ay bunsod ng patuloy na pagdami ng mga bilang ng local transmission sa lungsod.
Ayon kay Mayor Jefferson Soriano, hakbang ito ng lokal na pamahalaan ang maiwasan ang lalo pang pagdami ng mga kumpirmadong kaso sa siyudad.
Batay sa pinakahuling datos ng City Health Office, umabot na sa 81 active case ang mayroon ang Lungsod ng Tuguegarao.
Ayon pa kay Soriano, 19 na barangay na apektado ng nasabing pagkalat ng virus sa siyudad.
Batid ng opisyal na higit na maapektuhan ang mga residente at ilang Negosyo subalit kinakailangan na maiwasan ang lalo pang pagtaas ng bilang ng mga tinatamaan ng nasabing sakit.
Mananatili namang bukas ang mga establisyimentong may kaugnayan sa pagbili ng pagkain, mga botika habang non-essentials ay sarado sa publiko.
Ipinagbawal muna ng pamahalaang panglungsod ng Tuguegarao ang operasyon ng mga ‘talipapa’ mula Oktubre 3 hanggang 14 habang nasa ilalim ng Modified Enhanced Community Quarantine (MECQ) ang lungsod.
Nakatanggap kasi sila ng mga reklamo na hindi umano sumusunod ng ‘physical distancing’ protocol ang mga namimili sa talipapa kung kaya’t iniutos nito ang pansamantalang pagsasara ng lahat ng mga talipapa.