
Tinawag ni Senator Imee Marcos na politikal na paguusig ang isinampang graft at plunder charges laban kay Senator Jinggoy Estrada.
Kahapon ay nasampahan na ng non-bailable na kasong graft at plunder si Estrada kasama si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan sa Sandiganbayan kaugnay sa pagkakasangkot ng mga ito sa maanomalyang flood control projects.
Ayon kay Sen. Imee, ang timing ng pagsasampa ng kaso at ang pagtatangka ng minorya na harangin ang mosyon para sa online participation ng isang senador ay malinaw na ipinapakita na ang mga kaso laban kina Estrada at sa iba pang majority senators ay hindi na tungkol sa hustisya o pananagutan kundi tungkol sa pagiging desperado ng administrasyon na manatili sa kapangyarihan.
Ipinunto rin ni Sen. Imee ang mga dahilan kung bakit dapat pahintulutan ang videoconferencing sa ilang majority senators na nahaharap sa kaso.
Kabilang sa mga ito ang pagkakaroon ng “presumption of innocence” kahit nakakulong at disenfranchisement sa mga botante na naghalal sa kanila kung hindi sila papayagan na mag-participate sa Senado.
Maliban kay Sen. Bato dela Rosa, hindi naman aniya matatawag na pugante ang mga kapwa-senador dahil sila ay susunod naman sa batas at sa korte kaya kung absent sila sa Senado, ito ay involuntary.
Binigyang-diin pa ng mambabatas na ang mga minority senators ay inilaban din noon ang karapatan ni dating Senator Leila de Lima na makiisa sa gawain sa Senado at kahit hindi pandemya ay mayroong napakahalagang tungkulin ang mga senador bilang mga senator-judges sa impeachment trial.
Hinamon din ni Sen. Imee ang mga senador sa minorya na kung hindi ito political persecution ay payagan ang mga majority senators na makilahok sa trabaho at gawain sa Senado.










