Isinusulong ni Senator Sherwin Gatchalian ang pagtatatag ng Agriculture Information System (AIS) na tutulong sa pagtiyak ng sapat na suplay ng produktong agrikultural at para mabawasan ang kahirapan.
Kaugnay rito ay inihain ng senador ang Senate Bill 1374 na lilikha sa AIS na pangangasiwaan ng Department of Agriculture (DA) at magsisilbing online computer database ng mga pangunahing bilihin tulad ng pagkain.
Titipunin sa database ang impormasyon sa demand ng partikular na agricultural at fisheries commodities at magkakasabay na i-a-upload ang production data mula sa mga magsasaka ng bawat barangay.
Sa AIS ay pagsasama-samahin at isi-synchronize ang agricultural data mula sa iba’t ibang sources para makabuo ng database na idinisenyo para pag-ugnayin ang mga farm source at mga consumer.
Ang itinutulak na panukala ay tumutugon aniya sa layunin ng Marcos administration na tiyakin ang food security sa bansa.
Umaasa rin si Gatchalian na sa pamamagitan ng pagtatatag ng AIS ay mas magiging maayos ang kabuhayan ng mga magsasaka at makakatulong na solusyunan ang problema sa kagutuman.