Pahayag ni Pangulong Duterte na hindi pambabae ang pagiging presidente, kinontra ni VP Robredo

Kinontra ni Vice President Leni Robredo ang pahayag ni Pangulong Rodrigo Duterte kamakailan na hindi akma maging pangulo ng bansa ang mga kababaihan.

Katunayan, ayon kay Robredo, pinamumunuan ng mga babae ang mga best performing countries pagdating sa pagtugon sa COVID-19 pandemic.

Matatandaang kabilang sina Taiwan President Tsai Ing-wen at New Zealand Prime Minister Jacinda Arden sa mga pinuri dahil sa maagap na intervention measures sa pagkontrol ng transmission ng COVID-19 sa kani-kanilang bansa.


Aniya, dapat na maging “circumspect” ang Pangulo sa mga sinasabi niya dahil may epekto sa lahat ng mga Pilipina ang mababang pagtingin niya sa mga kababaihan.

“Dapat sana responsibility niya rin na maging circumspect sa mga sinasabi kasi Pangulo siya e. Hindi lang siya ordinaryong tao na iyong mga nakakarinig lang iyong apektado… hindi lang naman ito kay Mayor Sara o sa akin, o kung sino pang mga kilalang women leaders, pero sa lahat ng mga Pilipina, may epekto iyong mababang pagtingin ng pinuno,” giit ni Robredo.

Posible rin aniya itong makaapekto sa laban ng bansa para sa women’s rights and empowerment at general equality.

“Pag yung pangulo kasi, gumagawa ng ganitong statement, may epekto ito sa lahat e. Hindi ito yung values na pinaniniwalaan natin. Yung values na pinaniniwalaan natin yung respeto sa kababaihan mataas, dapat ginagalang yung kababaihan, yung participation nga ng mga kababaihan sa governance, mahalaga. Marami tayong mga pinaglalaban na women empowerment, equality, kapag ang Pangulong nagsasalita ng ganito, hindi siya nakakatulong,” dagdag pa niya.

Sa kanyang talumpati noong Huwebes, binanggit ni Pangulong Duterte na sinabihan niya ang kanyang anak na si Davao City Mayor Sara Duterte-Carpio na huwag tumakbo sa pagkapangulo dahil hindi aniya pambabae ang trabaho ng presidente.

Facebook Comments