
Pinayuhan ng Malacañang si Vice President Sara Duterte na unahin munang harapin ang sarili nitong mga isyu bago magbato ng paratang laban kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Ito ang naging reaksiyon ng Palasyo matapos sabihin ng Bise Presidente na posibleng nakagawa umano ng impeachable offense ang Pangulo dahil sa pagpirma sa national budget na ayon sa kanya ay may “blank pages” at mga insertion.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, mas makabubuting tutukan muna ng Bise Presidente ang mga kasong kinahaharap nito kaysa mangialam sa isyu ng iba.
Kaugnay naman ng pahayag ni Duterte na maaari ring maging batayan ng impeachment ang pagtanggi ng isang opisyal na sagutin ang mga tanong tungkol sa kanyang kakayahan o sa alegasyon ng paggamit ng ilegal na droga, sinabi ni Castro na mas nararapat umanong itanong ito ng Bise Presidente sa sarili at maging sa kanyang ama na si dating Pangulong Rodrigo Duterte.
Sa kasalukuyan, may kinahaharap ding mga impeachment complaint si Vice President Duterte sa House of Representatives.










