Matagal nang iniimplementa ang mga isinumiteng suhestyon ni Vice President Leni Robredo sa Palasyo kung papaano mas mapapaganda at mapabubuti ang COVID-19 response ng pamahalaan.
Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, nagpapasalamat siya sa mga mungkahi ng Bise Presidente pero wala namang bago rito at kung hindi matagal ay kasalukuyan na itong ginagawa ng Duterte Administration.
Una nang sumulat si VP Leni kay Roque at dito inilitanya ng Pangalawang Pangulo ang mga dapat gawin sa pagprocure ng mga test kits, pag-handle sa mga Locally Stranded Individuals (LSIs), sa pag-uulat ng Department of Health (DOH) ng COVID-19 cases araw-araw, at ang pagbibigay trabaho sa ilang mga traditional jeepney drivers na hindi pa rin makapamasada sa ngayon bilang mga service contractors o utilities.
Paliwanag ni Roque, sasagutin nya ang liham ni VP Leni ngayong araw.
Tungkol naman sa suhestyon nitong isali sa Inter-Agency Task Force (IATF) ang League of Cities of the Philippines, sinabi nitong kinokunsulta naman nila at iniimbita bilang resource persons ang mga local government officials.
Giit pa nito, ngayong puro gabinete at heads of agency pa lamang ang mga miyembro ng IATF ay inaabot na ng hating gabi ang kanilang pulong at kapag isinama pa ang mga local officials sa madalas na pulong ng IATF ay baka umabot na daw ng madaling araw ang kanilang maging pagpupulong sa task force.