Palasyo, nakiramay sa mga nasawi sa pananalasa ng Bagyong Maring

30

Nagpa-abot ng simpatya at pakikiramay ang Palasyo sa mga biktima lalo na sa mga nasawi dulot ng pananalasa ng Bagyong Maring.

Ayon kay Presidential Spokesperson Secretary Harry Roque, base sa pinakahuling ulat ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), pumalo na sa 30 ang nasawi, tatlo ang injured at 14 ang nawawala.


Nasa 1,775 families o 7,370 ang displaced individuals na tumuloy sa 124 evacuation centers mula sa Regions 1, 2, 3, 6, MIMAROPA, Caraga at CAR.

Sa ngayon, umaabot na aniya sa P2-M ang halaga ng tulong ang naibigay sa mga apektadong residente sa Regions 2, 3, MIMAROPA at CAR kung saan nasa P1.7-M na halaga rin ng food packs ang naipamahagi na.

Sa ulat pa ni Roque, base sa estimated cost of damage sa agrikultura ay pumalo na sa P692,035,694 ang pinsalang iniwan ng Bagyong Maring sa Regions 1, 2, CAR at iba pa.

Samantala, nagkasa naman ang DA ng ilang interventions upang tulungan ang mga naapektuhang magsasaka.



Kabilang dito ang Quick Response Fund na nagkakahalaga ng P172-M para sa rehabilitation ng affected areas sa Regions 1, 2 at CAR.

Nakahanda na ring ipamahagi ang 168,998 bags ng certified rice seeds, 16,601 bags ng corn seeds at 1,480 kg ng iba’t ibang gulay.


Kasama pa ang SURE calamity loan assistance na nagkakahalaga ng P650-M.

Facebook Comments