
Nilinaw ng Malacañang na maayos ang kalagayan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. matapos mapansin sa social media na tila may sipon ito habang nagtatalumpati sa United Nations (UN) sa New York.
Ayon kay Palace Press Officer Claire Castro, wala siyang natanggap na ulat na may sakit ang pangulo at posibleng dulot lamang ng malamig na panahon ang nasabing insidente.
Normal lamang aniya ito dahil sa lamig ng panahon sa New York, at tiniyak niyang nasa maayos na kondisyon ang pangulo.
Ang mga kumakalat na spliced video ay mula sa talumpati ni Pangulong Marcos sa 70th Session of the Commission on the Status of Women sa United Nations Headquarters, kung saan binigyang-diin ng Pilipinas ang kahalagahan ng pagsusulong ng karapatan at kapakanan ng kababaihan sa buong mundo.
Mamayang gabi muling magbibigay ng talumpati ang pangulo sa United Nations General Assembly special plenary session at mangangampanya para sa kandidatura ng Pilipinas sa non-permanent seat ng UN Security Council para sa 2027–2028 term.










