
Pinag-aaralan ng pamahalaan ang posibilidad na tanggalin na ang EDSA bus lane sa hinaharap.
Ito ang kinumpirma ni Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) Chairman Romando Artes sa Malacañang press briefing kasunod ng gagawing rehabilitasyon sa EDSA sa Marso.
Ayon kay Artes, lumutang ang ideya dahil posibleng kayanin na ng MRT na magsakay nang maraming pasahero sa hinaharap lalo kung magkokonekta na ang train system tulad ng Manila Light Rail Transit (LRT) System Line 1 at Metro Rail Transit (MRT) Corporation Line 3 at 7.
Oras na tanggalin aniya ang bus lane ay madadagdagan ng isa pang lane ang EDSA para sa mga iba pang sasakyan kaya luluwag ang daloy ng trapiko sa EDSA.
Pero nilinaw naman ni Artes na ito ay suhestiyon lamang at isa sa primary factor na tinitignan ay kung kakayanin ng MRT-3 na i-accommodate lahat ng pasahero sa bus carousel.
Hanggat hindi aniya ito nangyayari ay hindi aalisin ang bus carousel kaya walang dapat ikabahala ang mga pasahero.