Piat, Cagayan – Hindi alintana ng mga deboto ang malakas na buhos ng ulan at mainit na sinag ng araw sa pananampalataya sa itinuturing na milagrosang imahen ng Our Lady of Piat.
Magkakaiba man ang pinanggalingan ng mga deboto ng Birheng Maria, pinagbuklod naman sila ng kanilang debosyon sa Mahal na Ina ng Piat, na ipinakikita nila sa pagdayo, pagbisita, pag-aalay ng kanilang mga dasal at hiling sa kaniyang taunang kapistahan sa Basilica Minore ng Our Lady of Piat.
Isa sa mga tampok na mahahalagang tradisyon sa kakatapos na 30th Sambali festival sa nasabing bayan ay ang pagdadaos ng banal na misa at taunang prusisyon ng imahen ng Our Lady of Piat.
Sa mga nakapanayam ng 98.5 iFM Cauayan na mga deboto ni Apo Baket, ilan sa mga ito ay nagdarasal upang makapasa sa mga examinasyon, humihingi ng gabay at dasal upang malunasan ang kanilang mga iniindang sakit.
Habang ang ilan naman ay dumayo pa mula sa iba’t ibang probinsya at rehiyon upang magpasalamat sa mga pagpapalang natanggap mula sa milagrosang imahen.
Kapansinpansin naman ang naging sistematikong daloy ng trapiko at matiwasay na bugso ng mga deboto.
Sa naging Homiliya ni Archbishop Sergio Utleg, sinabi nito na ang birheng Maria ng simbahan ang siyang nagbubuklod sa mga deboto.
Aniya, tanging ang Birheng Maria ay palaging bukas at nakikinig sa dasal ng mga debotong may matibay na pananampalataya.
Samantala, ang nasabing kapistahan ay dinaluhan din ng mga lider ng bayan, gayundin ng ilang mga opisyal at kawani ng iba’t ibang ahensya ng Gobyerno.
Ngayong taon ay ipanagdiriwang ang ika 65th Cannonical Coronation Anniversary ng Our Lady of Piat.
Taong 1604 ng dalhin ng mga misyonaryong Dominicano mula sa Macau ang imahen sa Cagayan upang ipalaganap ang Kristyanismo.