Muling nanawagan ang Alliance of Concerned Teachers (ACT) sa Department of Education (DepEd) na luwagan ang workload ng public school teachers at ibaba ang actual teaching time ng mga ito sa apat na oras kada araw.
Sa isang pahayag, sinabi ni ACT Philippines spokesperson Ruby Bernardo na hindi makatao ang walang tigil na anim na oras na pagtuturo ng public school teachers araw-araw.
Dagdag pa ni Bernardo, kailangan pang gumawa ng ilan pang gawain na lumalagpas sa anim na oras na pagtuturo.
Kaya umapela ito na sa DepEd na bigyan ang mga guro ng mas maraming oras upang makapaghanda ng kanilang lesson plan, makapagcheck ng outputs, mag-compute ng grades at tutukan ang sitwasyon ng kanilang mga estudyante upang makapagbigay ng kalidad na edukasyon.
Mababatid na inihayag ni DepEd spokesperson Michael Poa na pinag-aaralan na nila ang pagbawas o tuluyang tanggalin ang administrative at special tasks ng mga guro.