Kinukundena ni Senator Imee Marcos ang umano’y panghaharass ng mga pulis sa asawa ng isang magsasaka na nagpakamatay sa Bayambang, Pangasinan.
Nitong Martes lang ay humarap sa pagdinig ng Senado si Aling Merlita Gallardo at inilahad sa mga senador ang pagpapatiwakal na ginawa ng kanyang asawa matapos malugi sa mga tanim na sibuyas at pagkabaon sa utang.
Batay sa ibinahaging impormasyon ni Sen. Marcos, natatakot na sa mga otoridad ang mga magsasaka ng sibuyas sa kanilang lugar dahil sa ginawa kay Aling Merly na biglang pagkakatok sa kanilang pintuan ng gabing gabi hanggang sa magumaga para lamang papirmahin sa sinumpaang salaysay na bumabaligtad sa mga naunang pahayag sa Senado.
Sa impormasyon ng senadora, sinasabing ito ay utos umano mula sa lokal na DILG at ng National Task Force to End Local Communist Armed Conflict (NTF-ELCAC).
Tanong ngayon ni Sen. Marcos kung rebelde na ba ang turing ngayon sa mga magsasaka mula sa liblib na lugar.
Sa mga dokumento naman na ibinahagi ni Senator Marcos sa media, makikita na inatasan kahapon ng Pangasinan Provincial Office ang Municipal Local Government Operation Office ng Bayambang, Pangasinan para beripikahin ang mga naging testimonya sa Senado kung saan naging batayan ang report mula sa website ng Radio Mindanao Network (RMN).
Sa report naman ng Bayambang Municipal Police Station, tanging ang mister lang ni Ginang Gallardo ang nagpakamatay dahil sa lugi sa sibuyas at hindi limang magsasaka.